Ang salitang "Hiraya Manawari" ay isang makulay at makapangyarihang pahayag sa wikang Filipino. Ang "Hiraya" ay nagmula sa salitang Tagalog na nangangahulugang "sana" o "mga bagay na ninanais," samantalang ang "Manawari" ay isang salita na may kahulugang "matupad" o "mangyari." Kapag pinagsama ang dalawang salitang ito, ito ay nagiging isang pahayag ng pagnanais na sana ay magkatotoo o maganap ang ating mga pangarap. Sa kabila ng lahat ng pagsubok at paghihirap, hanggang saan ang ating kayang isakripisyo at ipaglaban upang gawing realidad ang ating mga Hiraya Manawari?
Paulit-ulit kong naririnig mula sa mga nakakatanda ang katagang “ libre ang mangarap”. Isang simpleng pahayag, ngunit may malalim na kahulugan. Ang pangarap ay walang limitasyon hindi nakatali sa ating kasalukuyang kalagayan, at maaari tayong mangarap nang walang takot at alinlangan. Isa sa aking mga Hiraya Manawari ay magkaroon ng isang tahanan na malapit sa karagatan, isang lugar na tahimik at puno ng kapayapaan, kung saan ang tanging tunog na maririnig ay ang malumanay na hampas ng alon at ang masayang huni ng mga ibon. Pangalawa, nais kong makapagtapos at makamit ang diploma sa kursong medikal, upang makapaglingkod at magbigay ng pag-asa sa mga nangangailangan. Huli, isang pangarap na hindi ko rin malilimutan ay ang libutin ang mundo kasama ang aking mga magulang. Nais kong makita nila ang mga magagandang tanawin at maranasan ang mga bagay na matagal na nilang ninanais. Ang mga sakripisyo nila sa pagpapalaki sa akin ay hindi matutumbasan, kaya't nais ko silang mapasaya at maipadama sa kanila ang aking pagmamahal at pasasalamat. Madaling magbuo ng mga plano sa ating buhay, at kadalasan, ang mga pangarap ay biglaang sumik sa ating isipan, tulad ng mga bituin na kumikislap sa gabi. Ngunit sa sandaling magsimula na tayong magsikap, doon nagsisimula ang tunay na hamon. Ang landas patungo sa ating mga pangarap ay puno ng mga pagsubok at hadlang. Minsan, makakaramdam tayo ng pagod at panghihina, ngunit sa bawat hakbang na tinatahak, natututo tayong magpatuloy at magsikap. Ang tunay na halaga ng mga pangarap ay hindi nasusukat sa bilis ng pag-abot nito, kundi sa lakas ng ating loob na magpatuloy sa kabila ng mga pagsubok. Ang mga Hiraya Manawari ay hindi lamang mga layunin, kundi mga patnubay na magbibigay saysay sa ating paglalakbay at magbibigay ng kulay sa ating buhay. Sa bawat hakbang, makikita natin ang mga pagkakataon na magpapalakas sa atin, at sa huli, unti-unti natin makakamtan ang ating mga pangarap.
Ang mga Hiraya Manawari ay nagsisilbing liwanag sa ating mga pangarap, ngunit ang tunay na kahulugan ng mga ito ay natutunton sa ating walang sawang pagsusumikap at tapang na magpatuloy. Bawat hakbang, kahit ito’y puno ng pagsubok at hamon, ay nagiging lakas upang mapagtagumpayan ang ating mga layunin. Sa huli, ang mga pangarap ay hindi lamang mga bituin na ating tinatanaw, kundi mga landas na ating tinatahak patungo sa mas maliwanag at mas matagumpay na bukas.
No comments:
Post a Comment