Sunday, 5 January 2025

Sulatin Blg. 5 - Kung hindi uukol ay hindi bubukol




Nagmula: Pinterest


Sa mundong ating kinagagalawan, araw-araw tayo gumagawa ng desisyon na may kalakip na resulta. Minsan, ang mga kinalabasan ng ating mga desisyon ay hindi tumutugma sa ating mga inaasahan, kaya't napapatanong tayo kung tayo ba ay nasa tamang landas. Ang kasabihang "Kung hindi uukol, hindi bubukol" ay nagsasaad na may mga bagay na hindi talaga para sa atin, at kung hindi itinakda ng tadhana, hindi ito magaganap, anuman ang ating pagsusumikap.


Sa buhay, tayo ay may mga pananaw sa ating tatahaking landas na kung saan para sa atin ang desisyong ating ginagawa ay para sa magandang resulta. Tinutulungan tayo ng ating mga pangarap at aspirasyon na magsikap at magpatuloy, naniniwala tayong ang bawat hakbang na ating tinatahak ay maghahatid sa atin sa tagumpay. Ngunit sa kabila ng ating buong-pusong pagsusumikap, may mga pagkakataon na ang kinalabasan ng ating mga desisyon ay hindi tumutugma sa ating inaasahan. Minsan, sa kabila ng ating pagsisikap ay ating nararanasan ang kabiguan o pagkatalo. Tila ba na sa ating mga pinaghihirapan ay parang walang nangyayaring magandang resulta. Bilang tao, mahirap tanggapin na hindi lahat ng ating gustong mangyari ay magaganap.  Ang ganitong karanasan ay nagdudulot sa atin ng mga tanong tungkol sa kapalaran, at may mga pagkakataon na mahirap tanggapin na ang ating buhay ay hindi palaging ayon sa ating plano. Na hindi lahat ng bagay ay nasusukat sa ating mga plano at lakas, at may mga pagkakataon na ang ating mga pangarap ay nauurong dahil hindi sila para sa atin. Ang kasabihang ito ay nagsasabing may mga pagkakataon na ang ating mga desisyon ay hindi magbubunga ng inaasahang resulta, at ang tadhana na mismo ang magpapasya kung ano ang nararapat sa atin .Binubuksan nito ang oportunidad sa ibang bagay na ating hindi nabibigyang pansin sapagkat tayo ay nakatuon sa mga bagay na hindi para sa atin. Kapag natutunan nating tanggapin ang mga pagkatalo o kabiguan, nagiging mas bukas tayo sa mga bagong posibilidad at oportunidad na maaaring hindi natin napansin dahil ang atensyon natin ay nakatuon lamang sa isang bagay. Ang mga pagkakataong hindi natin inaasahan ay maaaring magdala ng mga bagong karanasan at tagumpay na mas makikinabang tayo. 


Isa sa mga paborito kong pahayag sa Bibliya ay Isaiah 60:22, na nagsasabing, "Sa tamang panahon, ibibigay ng Panginoon ang mga bagay na para sa atin." Ang mga salitang ito ay nagsisilbing paalala na may mga bagay na itinatadhana para sa atin, at kahit na sa ating mga pagsusumikap, ang tamang panahon at plano ng Diyos ang siyang magtatakda ng lahat. Minsan, ang mga bagay na hindi natin nakukuha ay maaaring maging daan upang mapagtanto natin na may mas maganda at mas angkop na bagay na inihanda sa atin. Sa huli, ang mga pinaghirapan ay magkakaroon ng maganda resulta na mas mataas pa sa ating inaasahan, kaya't matutunan natin ang halaga ng paghihintay.


No comments:

Post a Comment