May isang dalagang nagngangalang Sophia Kristine Fabellon na tila isang kwaderno may mga pahinang puno ng pagmamahal ngunit may ilang bahagi ring blangkong naghihintay ng kasagutan. Lumaki siyang nakapaloob sa mainit na pag-aaruga ng kanyang tita, ngunit sa kabila nito, nananatili ang tanong nasaan nga ba ang kanyang ama? Sa bawat hakbang ng kanyang paglalakbay, patuloy niyang hinahanap ang bahagi ng sarili niyang kuwento na tila nawawala sa mga pahina.
Ang kanyang buhay ay puno ng mga masayang alaala sa isang tahanan, na kung saan ay masasabing ang bawat araw ay puno ng pagkalinga at pag-aaruga. Naitaguyod siya sa isang mundong puno ng pag-ibig at malasakit mula sa kanyang tita. Ngunit nang dumating ang mga taon ng elementarya, doon nagsimulang magbago ang kanyang pananaw. Sa tuwing may mga pagkakataon na ang bawat bata ay ipinapakilala ang kanilang pamilya, laging may isang parte ng kanyang pagkatao na nawawala walang ama na maipagmamalaki. Laging may pagkukulang, isang piraso ng kanyang kwento na tila hindi kompleto. Habang lumalaki siya, unti-unting napagtanto ni Sophia na ang nawawalang bahagi ng kanyang buhay ay hindi isang simpleng tanong na matutugunan ng mga sagot ng iba. Siya ay patuloy na naglalakbay sa paghahanap ng kanyang ama, isang paglalakbay na hindi lamang pisikal kundi pati na rin sa kanyang emosyonal at espiritwal na paghahanap ng kasagutan. Hanggang ngayon ito pa rin ay isang katanungan na sa palagay ko sa tamang panahon ay aking makakamtam. Bagamat ang katanungan ay patuloy na walang kasagutan, natutunan niyang ang paghahanap ng kasagutan ay bahagi ng kanyang paglago at paghuhubog ng sariling pagkatao.
Sa kabila ng mga tanong na hindi pa natutugunan, natutunan ni Sophia na ang pagmamahal at pangangalaga mula sa mga taong nagmamahal sa kanya ang tunay na nagpapalakas sa kanya. Ang kanyang patuloy na paghahanap ng kanyang ama ay naging isang simbolo ng kanyang personal na paglago at pag-unawa sa sarili. Alam niyang darating ang tamang panahon kung kailan makakamtam niya ang mga kasagutan na matagal nang hinihintay.
No comments:
Post a Comment