![]() |
Narinig mo na ba ang mga salitang ito "Ayusin mo ang pag-aaral dahil ito ang mag-aangat sa'yo sa buhay". Paulit-ulit mong naririnig ang mga salitang ito mula sa ating mga magulang, na para bang ang mga katagang iyon ay isang walang katapusang paalala na may mahahalagang layunin sa ating buhay. Minsan, iniisip natin na simpleng payo lang ito, ngunit sa bawat pagkakataon na maririnig natin ito, unti-unti natin naiintindihan na ang edukasyon ay hindi lamang isang daan patungo sa trabaho, kundi isang susi sa mas magaan at mas matagumpay na kinabukasan. Kaya’t sa kabila ng mga pagsubok, pagod, at pangarap na parang malayo pa, bakit nga ba mahalaga na makapagtapos tayo ng Senior High School at kolehiyo?
Ako ay namulat sa isang simpleng tahanan kung saan ang lahat ay sapat lamang para sa amin. Wala kaming marangyang buhay, ngunit punong-puno kami ng pagmamahal at pagsuporta sa isa't isa. Dumating ang isang pagkakataon na nagpamulat sa akin kung gaano kalupit ang mundo sa mga tulad naming nasa simpleng estado lamang. Ang lupa na aming binabayaran ay hindi pala napunta sa tamang tao. Dahil dito, nanganganib kaming mawalan ng tirahan. Doon ko nakita kung paano nagmakaawa ang aking tita upang kami ay hindi paaalisin, at kung paano ko nagamit ang aking scholarship upang makatulong sa aming pangangailangan. Hinding-hindi ko malilimutan ang mga salitang binitiwan sa akin ng aking tita “Ayusin mo ang pag-aaral, dahil ito ang mag-aangat sa’yo sa buhay. Kung wala kang maayos na estado, wala kang makukuha na rerespetuhin.” Ang mga katagang iyon ay nagsilbing ilaw sa madilim na landas ng aking buhay. Sa simula, iniisip ko na parang isang simpleng paalala lamang ito. Ngunit habang tumatagal, unti-unti ko itong naisin, na hindi lang pala ito tungkol sa pagkakaroon ng mataas na grado o diploma, kundi tungkol sa pagbuo ng isang buhay na may halaga at respeto. Ang mga salitang iyon ay nagbigay sa akin ng lakas upang magpatuloy sa kabila ng lahat ng pagsubok. Natutunan ko na ang edukasyon ay hindi lamang isang daan patungo sa trabaho ito ay isang susi sa mas magaan at mas matagumpay na kinabukasan. Hindi ko lang ito ginagawa para sa sarili ko, kundi para rin sa aking pamilya, na nagsakripisyo upang mabigyan ako ng pagkakataong makapag-aral. Sa pamamagitan ng pagtatapos ng Senior High School at kolehiyo, alam kong magbubukas ang mas maraming oportunidad para sa amin upang mapabuti ang aming kalagayan at makapagtayo ng mas magaan na buhay. Sa kabila ng mga pagsubok, hindi ko tinatanggap ang pagkatalo. Ang bawat hamon na dumaan ay itinuturing kong hakbang patungo sa tagumpay. Lahat ng ito ay bahagi ng proseso upang matutunan ko ang tunay na kahalagahan ng edukasyon, hindi lamang sa aspeto ng akademiko, kundi pati na rin sa pagpapalago ng aking pagkatao. Ang edukasyon ay may kakayahang magbago ng buhay, hindi lang sa pagyaman ng isip, kundi sa paghubog ng ating karakter kung sino tayo at kung anong klaseng tao tayo magiging sa hinaharap.
Malayo na ang narating ko, at patuloy na umuusad sa paglalakbay.Bawat hakbang na aking ginagawa ay puno ng hirap, ngunit ang mga aral na natutunan ko mula sa mga pagsubok ay nagsisilbing gabay upang magpatuloy. Ang edukasyon na ipinaglalaban ko ay hindi lang para sa akin, kundi para sa mga pangarap na itinanim ng mga magulang ko, at para sa mga pagkakataong hindi ko na nais sanang masayang. Kaya't sa kabila ng lahat ng ito, isang bagay lamang ang tiyak—hindi ako titigil hangga't hindi ko nakikita ang pag-angat ng aming buhay sa mga kamay ng aking tagumpay.